TUGUEGARAO CITY – Bumuo na ng task group ang Ifugao Provincial Police kasunod ng pamamaril sa isang online journalist sa bayan ng Lagawe noong Martes.
Sinabi ni police Maj. Ernesto Bikesan, hepe ng Lagawe Municipal Police, na hanggang ngayon blangko pa sila kung sino ang bumaril kay Brandon Lee, 37, writer sa online news agency na Northern Dispatch at miyembro ng Ifugao Peasant Movement.
Batay sa ulat, palabas ng kanilang bahay sa Brgy. Tungod si Lee nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin.
Sa ngayon mabuti na raw ang lagay ng mamamahayag matapos operahan.
Samantala, mariin namang pinabulaanan ng 5th Infantry Division, Philippine Army na mga sundalo ang nasa likod ng pamamaril kay Lee.
Reaksiyon ito ni Maj. General Pablo Lorenzo, commanding officer ng 5th ID. matapos silang i-ugnay ng Bayan Muna at Akbayan sa insidente.
Binigyan diin ni Lorenzo na walang basehan ang alegasyon ng dalawang grupo dahil bago ang insidente ay nakipag-ugnayan pa ang kanilang hanay kay Lee para sa isasagawang joint caravan kasama ang non-government organization na maghahatid ng serbisyo sa Ifugao.