-- Advertisements --

Hihimayin ngayong araw ng Senado ang malaking problema ng bansa sa dumaraming online lending companies at mga investment scam.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Senate committee on banks, financial institutions and currencies chairperson Sen. Grace Poe, na nakakabahala ang pagdami ng nagpapa-utang na sa huli ay naiipit naman sa mabigat na uri ng pagbabayad ang mga mamamayan.

Habang may iba naman na ipino-post sa internet ang larawan at iba pang data ng nangutang sa kanila, kapag nabigong makapagbayad sa tamang panahon.

Maging ang mga investment scam na bagama’t ipinasara na ay gumagamit pa rin ng mga galamay para makapanloko ng maraming tao.

“Kailangan matiyak na tama ‘yung pagpasok ng mga tao sa investment business. Kawawa kasi sila kung mapupunta ang kanilang pera sa mga iligal na aktibidad,” wika ni Poe.

Nabatid na may ilan umanong iniiba ang mga tawag sa investment at nagiging donasyon, habang ang pangalan ng mga isinarang kompaniya ay ginagawan ng ibang tawag para lamang ituloy ang iligal na gawain.

Partikular halimbawa rito ang KAPA na bagama’t ipinasara na ay patago pa ring nag-o-operate at mayroon pang mga grupong nasa ilalim nito na hiwalay ding nagsasagawa ng investment activities.