-- Advertisements --

VIGAN CITY – Mahigpit umanong ipinapatupad sa Maldives ang online registration para sa mga residenteng gustong lumabas ng kanilang bahay sa kasagsagan ng paglaganap ng COVID- 19.

Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Justine Reineir Avila na nasa Male, Maldives, sinabi nito na kung may mga residenteng nais lumabas ng kanilang bahay ay kailangan nilang mag-register online at maghintay ng ilang minuto bago maaprubahan ang kanilang application.

Kung hindi umano katanggap-tanggap ang kanilang rason para lumabas ng bahay,i-de-deny ng system ang kanilang online application.

Samantala, wala umanong ipinapatupad na curfew hours ang pamahalaan dahil nagdudulot lamang ito ng panic buying sa ilang mga residente.

Kaugnay nito, napagkasunduan ng pamahalaan ng Maldives at ng mga grocery store owners na mahigpit na magpatupad ng mga panuntunan hinggil sa pagpasok ng mga residente sa mga grocery stores upang maiwasan ang nasabing virus.

Sa ngayon, aabot na sa 86 ang bilang ng COVID-19 cases sa Maldives kung saan 16 sa mga ito ay naka-recover na at wala pang naitatalang namatay sa nasabing bansa dahil sa COVID-19.