-- Advertisements --
dswd educational assistance3

Ipinasara na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang online application para sa kanilang educational assistance program para sa mga indigent students sa bansa.

Ito ay matapos na dumami pa ang bilang ng mga indibidwal na nagnanais na makatanggap ng ayuda mula sa nasabing programa.

Sa isang pahayag ay ipinaliwanag ni DSWD spokesperson Romel Lopez na ito ay dahil sa hindi na kaya pa ng kanilang sistema na ipagpatuloy ito dahil sa kalumaan at dami na rin ng mga aplikante nito.

Aniya, sa ngayon ay nasa mahigit dalawang milyong registrants na ang kanilang naitatala para sa payout ng naturang programa at nasa mahigit kalahati na aniya ng kanilang Php1.5 biluon na budget sa programa ang nagamit na.

Ngunit nilinaw ni Lopez na hindi na kailangan pang mag-alala ng mga indibidwal na una nang nakapagpa-rehistro dahil magpapatuloy aniya ang kaning proseso para sa mga ito.

Kasalukuyan na rin daw inaayos at fina-finalize ng mga kinauukulan ang mechanics hinggil sa pagpopondo para sa educational program ng DSWD upang mas marami pang mga Pilipino ang kanilang matulungan.

Matatandaan na una nang inihayag ng tagapagsalita na sa Setyembre 24, 2022 nakatakdang matapos ang pamamahagi ng naturang ayuda para sa mga mahihirap na mag-aaral na malabo na rin aniyang mapalawig pa dahil sa iba pang tungkuling pagtutuunan ng pansin ng ahensya para naman sa iba pang tulong na maaari nilang maipaabot sa iba pang mga benepisyaryo.

Sa ngayon ay nasa mahigit 290,000 na mga mag-aaral na ang nakatanggap ng tulong mula sa educational assistance program ng DSWD.