-- Advertisements --

Arestado sa isinagawang operasyon ng PNP-Anti-Cybercrime Group (ACG) ang pitong indibidwal matapos mambiktima ng isang OFW sa pamamagitan ng “romance scam” sa Quezon City.

Batay sa report, gumawa ng isang pekeng Facebook account na may pangalang “Joana Mae Cruz” ang mga suspek, at kinaibigan ang biktimang si Frederick Egea noong Enero 2017.

Umabot sa P600,000 ang halagang ipinadala ng biktima sa loob ng mahigit isang taon dahil napaniwala raw ang biktima na totoong account ang gamit ng kanyang kausap.

Pero base sa imbestigasyon, ang larawan na ginagamit sa account ay kay Angelica Calanog na taga-Quezon City din.

Dahil sa nakumpirmang peke ang account, dito na nagpasaklolo ang biktima sa pulisya.

Sa isinagawang entrapment operation naaresto sina: Ma. Angelica Miguel; Richelle Vasulla; Jeanly Shane Boyore; Juvy Ann Capino; Arjay Balansayo; John Luis Patrick Acol, at Jim Anthony Besonia.

Nabatid na kinasuhan ng patung-patong na kasong kriminal ang mga suspek, kabilang ang robbery at paglabag sa Cybercrime Prevention Act.

Bukod sa biktimang si Egea, nagsampa rin ng complaint o reklamo si Calanog dahil ginamit ang kanyang pagkakakilanlan sa krimen.