Nahulog sa kamay ng PNP Anti-Cybercrime Group ang isang online scammer matapos ang isinagawang entrapment operation sa Padre Burgos St Repolyo, San Roque, Cavite City.
Siya ang itinuturong nasa likod ng ilang scamming incident na nambibiktima gamit ang isang online platform.
Kinilala ang suspect na si Romelyn Lobaton, residente ng Canacao Bay Samonte Park sa parehong lungsod.
Ang naturang operasyon ay ikinasa matapos na magsumbong sa Pulisya ang biktimang si Emanuel Dela Cruz ng Novaliches QC.
Ayon sa biktima, nagpadala siya ng mahigit P12,000 sa isang indibidwal na nagpakilalang si Maria Cortiz gamit ang isang online marketplace.
Ang nasabing halaga ay para sa 27 kilo ng baka at 15 kilo ng manok na hindi deniliver sa complainant.
Paglalahad pa ng biktima, matapos niyang maipadala ang bayad ay kaagad naman siyang blinock ng suspect.
Sa pangalawang pagkakataon ay gumamit ng ibang account ang suspect para makipag transaksyon uli sa complainant at matapos na makipagkasundo na babayaran itong muli ay dito na siya naaresto.
Nahaharap na ngayon ang suspect sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Swindling/Estafa at Cybercrime Prevention Act of 2012.