-- Advertisements --
image 162

Arestado ng Philippine National Police ang ilang online sellers ng mga ilegal na paputok sa magkakahiwalay na lugar dito.

Sa gitna ito ng nagpapatuloy na entrapment operations na ikinakasa ng Anti-Cybercrime Group at Firearms and Explosives Office ng pambansang pulisya alinsunod sa naging direktiba ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr, na magsagawa ng crackdown laban sa talamak na bentahan online ng mga ipinagbabawal na paputok ngayong Holiday Season.

Sa ulat, unang naaresto ng mga otoridad ang dalawang suspek na kinilala bilang sina Kenneth Nilo at John Kenneth Jacob sa Marikina City na nasamsaman ng dalawang ream ng iba’t-ibang paputok tulad ng plapla, super lola, tilapia, 200 piraso ng kwitis, at tatlong cellphone na ginamit nila sa kanilang online selling.

Dalawang online seller ng paputok din ang nahuli sa Brgy. San Roque, Navotas City na kinilala naman ng pulisya sa pangalang Kian Joshua Malaca, at Jeffrey Palileo na nakuhaan naman ng ipinagbabawal na paputok tulad ng 7 pirasong atomic bomb, 70 kingkong arko, 4 na piraso ng crying at atomic crying cow bomb at sampung kabase.

Bago ito ay may naaresto rin ng nasabing hanay pulisya na isa pang online seller ng ilegal na paputok sa bahagi naman ng Sta. Mesa, Manila na kinilala bilang si David Michael Carpio, na nakumpiskahan naman ng 200 piraso ng oversized 5Star King Kong firecrackers.

Samantala, una rito ay sinabi na rin ni PNP chief Azurin na magpapatupad sila ng maximum deployment sa iba’t-ibang lugar sa bansa kasabay ng patuloy na pagpapaigting sa kampanya nito kontra ilegal paputok.

May mga ulat kasi aniya na natanggap ang kapulisan na pagsapit mismo ng December 30 at December 31, ay matapang na lumalantad ang ilang ilegal vendors ng mga paputok sa mga kalsada para mag-alok ng mga paputok, ilegal na gawaing nais makontrol ng pulisya.

Kaugnay nito ay patuloy din ang kaniyang panawagan sa publiko na huwag nang tumangkilik pa sa mga ipinagbabawal na mga paputok sa Pilipinas upang tuluyan nang matigil ang ilegal na gawain na ito.

Nakasaad sa Republic Act No. 7183 na maaaring pagmultahin ng hanggang Php30,000 o maharap sa pagkakakulong ng hanggang isang taon.

Bukod dito ay kakanselahin din ng mga kinauukulan ang lisensya at business permit ng sinumang mapapatunayan na lalabag sa naturang batas.