Nais ngayon ng Department of Health (DoH) na paimbestigahan sa Food and Drug Administration (FDA) ang kumakalat na bentahan ng mga antibiotic at steroids online.
Ayon sa DoH, ang sino mang bibili ng dalawang gamot ay mayroon dapat prescription o reseta mula sa doktor, bago makabili sa mga botika.
Ngunit ngayon, may isang online shopping website na nagbebenta ng antibiotics at steroids, na ikinababahala ng publiko.
Ayon sa DoH, sinisiyasat na ng kanilang team sa FDA ang naturang bentahan ng mga gamot.
Pero payo ng ahensiya, hangga’t maaari ay huwag na huwag bibili ng mga gamot sa mga website o online lamang.
Posible raw kasing hindi aprubado ng FDA ang mga gamot at walang garantiya kung lehitimo ang mga ito.
Naglabas na rin ng advisory ang FDA na pirmado ni Health Undersecretary at FDA OIC Eric Domingo, kung saan binalaan nito ang publiko laban sa “internet sales and access” ng mga gamot.
Maaaring may “health risk” ang mga gamot na nabibili lamang online, lalo na kung hindi nagagamit o naitatago sa maayos na paraan.
Higit sa lahat, hindi pinapayagan sa Pilipinas ang online selling ng mga gamot.