-- Advertisements --
doj GUEVARRA
doj GUEVARRA

Palalakasin pa umano ng anti-cybercrime units ng Department of Justice (DoJ), National Buerau of Investigation (NBI) at PNP ang kanilang pagsisikap para tuluyan nang matuldukan ang isyu ng online sexual exploitation ng mga kabataan at mga menor de edad.

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ito raw ang isa sa kanilang tututukan ngayong taon lalo na’t noong Disyembre ay lumabas ang mga report na naglipana ang “Christmas sale” ng mga sensual photos at videos ng mga estudyante sa internet para makapag-ipon ng pera para sa distance learning-related expenses.

Mayroon daw grupo sa social media partikular ang Philippine Online Student Tambayan (POST), na isang news portal para sa mga student sector.

Ginagamit daw ng mga estudyante ang #AlterPH, #AlterPinay at #AlterPhilippines sa Twitter para ibenta ang kanilang larawan at mga videos.

Noong Disyembre, mayroon daw tinatawag na Christmas bundle na naglalaman ng photos at videos na nakikita pa ang mukha ng mga estudyante at naibebenta sa halagang P150.

Dahil dito, welcome umano para sa kalihim ang posibleng pagpapatupad na ng bagong batas para mapalakas ang legal framework ng kampanya ng pamahalaan laban sa human trafficking sa cyberspace partikular na ang online sexual exploitation of children and minors.

Naniniwala ang kalihim na ngayong panahon ng pandemic na limitado lamang ang galaw at interraction ng mga tao ay talagang gagamitin ng mga tao ang internet para sa lahat ng uri ng human trafficking.

Una rito, nanawagan na rin ang ilang senador na imbestigahan ang naturang isyu.