LAOAG CITY – Kanya-kanyang paraan na ang mga tao sa Shanghai, China para lamang makabili ng kanilang supply kahit hindi na sila nakakalabas sa sobrang takot dahil sa novel-coronavirus.
Ito ay ayon sa isang Overseas Filipino worker (OFW) na si Aida Tieza na taga Quezon Province pero kasalukuyang nagtatrabaho sa China bilang domestic helper.
Kwento ni Tieza, dahil wala nang mabili sa mga pamilihan at natatakot na rin ang karamihan na lumabas ng bahay dahil sa virus ay may mga nag-aalok ng mga paninda nila sa online na dinudumog naman ng mga residente.
Aniya, kahit ang mga gulay ay may nabibili na rin sila sa online pero yung nagdedeliver ay hindi pwedeng pumasok sa bahay ng mga nag-oorder.
Ipinaliwanag ni Tieza na ang mga order nila ay ilalagay lamang ng nagdedeliver sa labas ng kanilang bahay at bahala na silang humakot dito.
Hindi naman alam ni Tieza kung saan nanggagaling ang mga itinitinda sa online dahil sinabi niya na ang mahalaga ay may nabibilhan sila ng kanilang kakailanganin, lalo’t naubos na ang kanilang supply.