BACOLOD CITY – Mahigit P5 million ang tinangay ng isang scammer sa Bacolod na nagbebenta ng mga damit, sapatos at bags online mula sa mga resellers sa iba’t ibang panig ng bansa.
Dumulog sa Bombo Radyo si Aline Joy Mondejar, residente sa Antique at iba pang nabiktima ni Zaila Marie Dalida na residente sa Barangay Bata, Bacolod City.
Ayon kay Mondejar, buwan ng Hulyo nang nakita nito online na nagsu-supply ng mga produkto si Dalida kaya nag-inquire ito at siya ay idinagdag sa kanilang group chat.
Dati raw ay maayos pa ang kanilang mga transaksiyon, ngunit buwan ng Setyembre nang nagpadala ito ng halos P90,000 bilang bayad sa inorder ngunit walang dumating na produkto.
Hindi na rin daw niya ma-contact ang suspect.
Tinungo rin ng isa pang reseller sa Negros Occidental ang bahay ni Dalida sa Barangay Bata ngunit ayon sa ina nito, wala itong alam kung saan pumunta ang kanyang anak at depressed din ito na umalis sa kanilang tahanan.
Ipina-blotter nadin ng mga ito sa police station ang suspect.
Maliban kay Mondejar, marami pang ibang biktima ni Dalida ang dumulog sa Bombo Radyo matapos matangayan ng nasa P100,000 hanggang P500,000 ni Dalida.
Nananawagan ang mga biktima na ibalik ang kanilang mga pera dahil ito ay kailangan din nila.