-- Advertisements --
image 390

Isinusulong ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagpapatupad ng online ticketing system para sa mga pasahero sa lahat ng daungan sa buong bansa.

Nakikita kasi ng PPA na ang electronic ticketing, o e-ticketing system, ay akma sa pagpapatupad ng “holiday economics” na sinimulan noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, para sa paglikha ng long weekend sa pamamagitan ng paglipat ng mga holiday malapit sa Sabado at Linggo.

Ayon kay PPA General Manager Jay Daniel Santiago, ang e-ticketing system ay bahagi ng malaking electronic management system. Ito ay naglalayong tulungan ang ating kababayan mula sa paggugol ng maraming oras sa mahabang pila para lamang makabili ng ticket sa mga pantalan.

Ang sistema ng e-ticketing ay inumpisahan na ng PPA ngunit natigil noong nakaraang taon para sa karagdagang pagsusuri at pag-aaral.

Batay sa panukala, ang mga shipping lines ay magkakaroon ng access sa e-ticketing system ng PPA sa lahat ng mga daungan upang matiyak ang mabilis at komportableng mga transaksyon ng mga pasahero sa dagat.

Kasama sa portal ang schedule ng lahat ng paglalakbay gaya ng inaasahang oras ng pag-alis at pagdating mula at papunta sa mga daungan, pati na rin ang isang sistema na magbibigay-daan sa pag-book at pagbabayad ng ticket.

Naniniwala ang mga opisyal ng PPA na ang e-ticketing system ay magpapalakas ng turismo sa Pilipinas, lalo na ang ahensya ay nakikipagtulungan ngayon sa Department of Tourism para sa mga big-ticket project para maipromote ang mga tourist spot sa bansa.

Kabilang sa mga proyekto ay ang mga dayuhang cruise ship terminals sa Siargao, sa Boracay, Ilocos Norte at Palawan.