-- Advertisements --

Magsasagawa umano ang Commission on Elections (Comelec) ng isang “online voting experiment” para sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa susunod na buwan.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, ito raw ay upang makita kung mas marami bang mga botante ang mahihikayat na lumahok sa halalan sakaling maging online ang paraan ng pagboto.

Sa ngayon, inihayag ni Jimenez na naghahanap pa rin daw sila ng mga test subjects para sa online voting dry run, na maaaring magsimula sa Marso o Abril.

Batay sa datos mula sa Comelec, sa 1.65 million registered overseas Filipino voters, tanging 300,000 lamang ang bumoto noong 2019 midterm elections.

Habang sa 2.4 milyong OFWs naman sa buong mundo noong 2015, tanging 1.37 million lamang ang nagpatala bilang overseas absentee voters para sa 2016 presidential polls.

Paglalahad pa ni Jimenez, bukas ang online voting experiment sa lahat ng naka-rehistro overseas, maging sa 20 kinatawan mula sa media.

Dahil posible rin aniya na hindi pa ipatupad sa darating na halalan sa 2022 ang panukalang online voting scheme, tinatrabaho na rin daw ng poll body ang mga posibleng solusyon para sa mga repatriated OFWs na kailangang i-transfer ang kanilang mga area of registration.