-- Advertisements --

Isinagawa na ang demonstration ng online voting system para sa mga overseas voters sa darating na 2025 elections.

Ayon sa COMELEC, ito ay bilang bahagi ng post qualification activity para sa nanalong bidder.

Ipinakita ng joint venture ng SMS Global Technologies, Inc. at Sequent Tech, Inc. kung paano gumagana ang kanilang online voting system  sa nasabing event.

Sinabi naman ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson Rex Laudiangco na isa itong webpage system.

Aniya, dito ay maaaring mag-enroll gamit ang isang gadget at maaaring bumoto at mag-validate doon sa ibang gadget.

Dagdag pa nito na simple lamang ang online voting system ng bidder at wala itong mga bagong features bagamat secured ito.

Sa isinagawang bidding noong Abril, ang joint venture SMS Global Technologies, Inc. at Sequent Tech, Inc. ang may pinakamababang bid  para sa kontrata ng 2025 Online Voting and Counting System.

Nag-alok ang joint venture na gawin ang proyekto sa halagang P112 milyon. 

Ang inaprubahang budget para sa kontrata ay umabot naman sa P465,810,926.57.

Ang online voting para sa mga overseas voters ay nakatakdang gawin mula Abril 11 hanggang Mayo 12, 2025, mula 7 a.m. hanggang 7 p.m. Noong 2022 elections, humigit-kumulang 30% lamang ng 1.6 milyong rehistradong botante sa ibang bansa ang lumahok. 

Sa online voting system, inaasahan ng Comelec na tataas ito sa 80%.