Iniulat ng Commission on Audit (COA) na gumugol ang Office of the President (OP) ng mahigit P2.2 billion sa confidential funds (CF) noong 2023 kapareho noong 2022.
Base sa 2023 audit report, ipinaliwanag ng COA na ginamit ang naturang halaga ng CF sa ilalim ng OP para sa mga gastusin may kinalaman sa surveillance activities sa mga civilian government agencies para suportahan ang mandato o mga operasyon.
Maliban dito, gumugol ang OP ng P2.3 billion sa intelligence fund na ginamit naman para sa mga expenses may kinalaman sa intelligence information gathering activities ng uniformed and military personnel, at intelligence practitioners na may direktang epekto sa pambansang seguridad.
Gumugol din ang OP ng mahigit P10 million para sa extraordinary at miscellaneous expenses na ginamit upang kilalanin ang halagang binayaran para sa mga gastos na nauugnay sa paggampan ng mga opisyal na tungkulin.
Sa kabuuan, nasa P4.57 billion ang naggastos ng OP sa confidential, intelligence, at extraordinary expenses noong 2023. Ito ay mas mataas kumpara sa P4.50 billion na naitala noong 2022.