TUGUEGARAO CITY – Hinamon ng Office of Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang lahat ng Local Chief Executives na tumulong na wakasan ang 50-taong communist insurgency sa bansa sa pamamagitan ng pagdedeklara sa New People’s Army bilang persona non grata.
Kasunod nito, nagbabala si OPAPP Sec Carlito Galvez Jr. sa mga gObernador, alkalde at mga barangay officials na maaaring matanggal sa serbisyo kung mabibigong ipatupad ang Executive Order 70 ng Pangulo na ang mandato ay tuldukan ang communist-armed conflict sa bansa.
Dagdag pa ni Galvez, huwag magpadala sa banta ng mga komunistang rebelde dahil ang kailangan sa kasalukuyan ay malasakit at katapangan upang wakasan ang pagpapahirap ng makakaliwang grupo sa pagsulong ng bansa.
Aniya, ang pagpasa ng isang resolusyon na magdedeklara bilang persona non grata ang NPA ay isang matibay na mensahe ng pagkakaisa laban sa mga kalabang rebelde.
Si Galvez ay nagtungo sa 5th Infantry Division, Philippine Army sa Gamu, Isabela upang pangunahan ang pagpapasinaya sa Commemorative Cordillera People’s Liberation Army (CPLA) Marker.