-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconcilliation, and Unity ang pagbabago sa mga dating kampo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Central Mindanao upang maging malalaking komunidad.

Kasama ng OPAPRU ang Department of Science and Technology sa naturang proyekto.

Una nang nagsagawa ang dalawang ahensiya ng technology needs assessment sa mga dating kampo upang matukoy ang mga teknolohiyang kailangan ng mga ito sa pagpapalaki at pagpapalakas sa kanilang komunidad.

Kabilang sa mga planong gamitin ay ang tatlong dating nagsisilbing kampo ng mga miyembro ng MILF sa Maguindanao del Sur, isang kampo sa Maguindanao del Norte, Isa sa Lanao del Sur, at isa sa Lanao del Norte.

Ayon sa DOST, kapag natapos nila ang pagtukoy sa pangangailangan ng mga ito, tututukan umano nila ang paglalaan ng pondo o akmang mga teknolohiya upang lalo pang mahikayat ang mga residente na manirahan sa mga naturang komunidad.

Sa tulong ng iba pang ahensiya ng pamahalaan, plano ng DOST at OPAPRU na bantayan ang paglago ng mga naturang komunidad at mapanatili ang kanilang kaligtasan, sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsuporta sa kanila.

Una nang nabuo ang Joint Task Force for Camp Transformation of the MILF upang pag-aralan ang naturang posibilidad.