-- Advertisements --

Kinondena ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU) nitong Linggo ang pagpapakalat ng maling impormasyon ng miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) kaugnay sa pag-recruit umano ng mga dating miyembro ng MNLF papunta sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

‘The OPAPRU vehemently denies the spread of false information, which causes anxiety and fear among the people of Zamboanga City,’ ayon sa naging pahayag ng ahensya.

Pahayag ng OPAPRU sa kanilang FB account nitong Linggo, Marso 2, 2025. / Screenshot from @OPAPRU FB

Pinasinungalingan ni Presidential adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito G. Galvez Jr., ang mga kamakailang pahayag ni Sharief Edjal S. Alimuddin na ‘walang aniyang katotohanan.

Ayon kasi kay Alimuddin, na sinasabing isang Governor General ng MNLF, na ang mga dating miyembro umano ng MNLF ay nire-recruit ng AFP.

Paglilinaw ni Galvez na ‘walang naganap na special recruitment process o reintegration program para sa pagsali sa AFP o sa Philippine National Police (PNP).

Sinabi pa ng Presidential adviser on Peace na ang sinumang nagnanais na sumali sa PNP o AFP ay kailangang dumaan sa regular na proseso ng recruitment at kailangang makapasa sa kanilang qualification.

Dagdag pa ng OPAPRU na ang ganitong maling impormasyon aniya ay nakakasama sa mga pagsusumikap para sa kapayapaan, lalo na sa 1996 Final Peace Agreement na layong magtaguyod ng kapayapaan sa rehiyon.

Hinihikayat ng ahensya ang publiko na maging mapanuri at huwag magpadala sa mga maling impormasyong nababasa.

‘We urge everyone to be vigilant and not to be swayed by the promises or propaganda coming from such individuals or groups who misrepresent the interests of the MNLF, particularly those who solicit money in return for government services or positions,’ dagdag pa sa pahayag.