-- Advertisements --

Iginiit ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na bigyan ng sapat na budgetary support ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity at ang National Amnesty Commission (NAC).

Ito’y upang maitiyak na maipatutupad ang full reintegration ng mga dating rebelde sa kani-kanilang komunidad. 

Sa ilalim ng Senate version ng 2025 General Appropriations Bill (GAB), ang OPAPRU ay bibigyan ng P7.094 billion kung saan mahigit sa P5 billion ang gagamitin para sa PAyapa at MAsaganang PamayaNAn (PAMANA) projects.

Bagama’t may ilang ang pumupuna sa umano’y overlapping ng PAMANA sa Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict’s (NTF-ELCAC), ipinaliwanag naman ni Dela Rosa na kailangan pa ring tugunan ang pondo para sa maayos na mga programa ng OPAPRU, kabilang ang pagpapasasagawa ng infrastructure projects na pamamahalaan ng municipal o provincial level. 

Tiniyak ni Dela Rosa sa mga kapwa niya senador na maayos na napamamahalaan ng OPAPRU ang pondo nito para sa PAMANA infrastructure projects at mayroong mataas na 90.15% disbursement rate para rito.