-- Advertisements --

Kinilala ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity ang naging ambag ni dating Senador Santanina Rasul sa Pilipinas.

Kaugnay nito ay nagpaabot rin sila ng taus-pusong pakikiramay sa pagpanaw nito.

Ayon kay OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr., malaki ang naging kontribusyon ng dating senadora sa pagpapatupad ng karapatan at maging ang kapakanan ng mga Muslim.

Si Rasul ang kauna-unahang MORO o Muslim na nahalal bilang senador ng Republika ng Pilipinas.

Nanungkulan ang dating senadora ng walong taon sa mataas na kapulungan ng Kongreso kung saan tinukan nito ang pagsusulong ng mga batas na siyang nagtataguyod sa karapatan ng mga bata, kababaihan , katutubo at maging sa pamilya.

Si Rasul ang dahilan kung bakit naisabatas ang Republic Act 7192 o ang Women in Development and Nation-Building Act.

Ang batas na ito ay nagbibigay ng pantay na pagkilala sa karapatan ng mga kababaihan sa mga kalalakihan sa mata ng batas sa bansa.

Nakilala rin ang yumaong senadora sa pagtatatag ng Magbassa Kita Foundation kung saan ay nakatutok ito sa pagsusulong ng karapatan ng bawat isa na magkaroon ng edukasyon , kaunlaran , kapayapaan at kapangyarihan ang mga kababaihan sa Pilipinas.