Inulan ng kritisismo mula sa mga Democrats ang nakabinbing anunsyo ng White House tungkol sa plano nitong pagkalas sa “Open Skies” treaty na nilagdaan noong 1992.
Ipinatupad noong 2002 ang nasabing kasunduan kung saan 34 na estado ang pinapayagan na magsagawa ng unarmed surveillance flights sa teritoryo ng isa’t isa.
Batay sa US Defense Threat Reduction Agency, ginagamit ang “Open Skies” treaty upang ma-beripika ang arms control agreements.
Ang nasabing pag-alis sa kasunduan ay maaaring makaapekto sa abilidad ng pwersa militar ng Estados Unidos upang magsagawa ng aerial surveillance sa Russia iba pang bansa.
Sa sulat na ipinadala ng ilang Democrats kay Secretary of Defense Mark Esper at Secretary of State Mike Pompeo, magsisilbi umanong regalo para sa Russia at kay Russian President Vladimir Putin kung itutuloy ng Trump administration ang pagtalikod nito sa kasunduan.
Saad pa sa sulat, wala raw konsultasyon mula sa US Congress at mga ka-alyado nito ang binabalak ng Amerika at ang hakbang ng administrasyon na mag-withdraw mula sa itinuturing na critical international treaty na walang approval mula sa Senado ay lubos umano na nakababahala.