CAUAYAN CITY – Naging engrande ang opening ceremony ng Philippine Athletics Championship sa City of Ilagan kahapon.
Ito ay dinaluhan ng halos 800 na mga atleta at head coaches na mula sa 7 mga bansa kabilang ang Pilipinas, Malaysia, Vietnam, Thailand, Indonesia, Brunei at Iraq.
Nanood din ang daan-daang Ilaguenio at Isabeleñ sa pagbubukas ng Philippine Athletics Championship.
Sinindihan ang Sulo ni Long Jump Queen Alma Muros Posadas habang ang naging panauhing pandangal ay si Phiilippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann.
Bilang pagwawakas ng opening ceremony ay nagkaroon ng hanggang sampong minutong fireworks display.
Samantala, pinasalamatan ni Mayor Jose Marie Diaz ang lahat ng mga atleta at mga stakeholders na nagtrabaho upang maging punong abala ang City of Ilagan sa Philippine Athletics Championship.
Samantala, naging kinatawan nina Gov. Rodito Albano at Vice Governor Bojie Dy si Sangguniang Panlalawigan Member Evyn Jay Diaz.
Sa kanyang pananalita sinabi ni Board member Diaz na sa kabila ng hamon ng pandemya ay naisakatuparan ang pagsasagawa ng Philippine Athletics Championship.
Anya sa pamamagitan ng pagkakaisa ng lahat ay magkakaroon muli ng oportunidad ang mga atletang maipakita ang kanilang galing sa palakasan sa kanilang mga sinalihang events.