LEGAZPI CITY – All set na ngayong araw ang pormal na pagbubukas ng pinakaunang Bicol International Airpot (BIA) sa rehiyon.
Inaasahang dadaluhan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Ibinida ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) chief of staff Atty. Danjun Lucas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang BIA ang pinakauna-unahang magkakaroon ng contactless check in system sa lahaat ng CAAP operated airport sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng smart phone at QR code maaari ng magcheck-in ang pasahero, subalit sa mga hindi pa handa mayroon pa ring check-in counters.
Bukas, Oktubre 8 magiging operational na ang pinakauna nitong domestic commercial flights.
Habang ang international operation naman ay inaasahang sa Nobyembre 7 pa ng kasalukuyang taon magbubukas.
Kaya mag-accommodate ng 2,000 na bilang ng pasahero anumang oras ang BIA kumpara sa Legazpi Domestic Airport na nasa 300 passengers lamang ang kapasidad.
Aniya, tiyak na malaki ang maiaambag nito sa ekonomiya at turismo ng rehiyon dahil kayang mag-accomodate ng maraming flights.
Samantala, sa kasalukuyan ay wala pang kongkretong plano para sa Legazpi Domestic Airport subalit oras na makabuo ay tiyak na magbubukas ito ng maraming oportunidad, trabaho at negosyo sa mga mamamayan.