-- Advertisements --
taguig

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Taguig na kasado na sila sa pagbubukas ng klase sa 10 EMBO Barangay na ngayon ay nasa ilalim na ng kanilang pamumuno.

Bukod sa LGU, ay handa na rin ang mga estudyante at mga guro mula sa 10 EMBO barangays.

Nasimulan na ng Taguig ang pamamahagi ng mga school packages sa mga estudyante.

Ang bawat school package na ibinibigay ng Taguig LGU sa mga paaralan ay nakadepende sa grade level ng mga estudyante.

Ito ay kinabibilangan ng bag, daily at PE uniforms, medyas, black shoes, rubber shoes, at kumpletong set ng basic school supplies, meron ding hygiene kit.

Pinangunahan mismo ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pamimigay ng mga ito sa mga mag-aaral.

Kasabay rin nito ay inilunsad ng Taguig ang kanilang Lifeline Assistance for Neighbors In-need Scholarship Program kasama na ang para sa mga estudyante ng EMBO.

Ayon kay Mayor Lani, hindi magiging limitado sa 10% ng graduating class ang alok na scholarship ng Taguig.

Ito aniya ay para sa lahat ng year levels hanggang sa mga nagrerebyu ng licensure examinations at post graduate studies.

Lininaw rin nito na kahit may honor man o wala ang mga high school graduates ay tiyak na maaaring mag-apply ng ₱15,000 hanggang ₱50,000 kada taon.

Nasa ₱40,000 hanggang ₱50,000 naman kada taon sa mga gustong mag-aral sa premier colleges at universities at ₱15,000 sa mga gustong kumuha ng technical at vocational courses.

Habang may tulong pinansyal din para sa mga nagrerebyu ng Board at Bar Exams maging sa mga kumukuha ng Masters’ at Doctoral Degrees bukod pa ang para sa Thesis and Dissertation Grant.