Target sa ngayon ng mga operasyon ng PNP sa Bicol Region ang mga miyembro ng Concepcion Armed Group na nag-o-operate sa rehiyon.
Ang grupo ay pinamumunuan ng isang Gilbert Concepcion, dating Army Scout Ranger na siyang unang grupo raw na kinontrata upang patayin si Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe.
Ayon kay Police Regional Office (PRO)-5 Director C/Supt. Arnel Escobal na karamihan sa mga miyembro ng grupo ni Concepcion ay mga dati rin umanong mga sundalo kaya hindi ito agad napapasok ng mga pulis.
Sinabi ni Escobal, hindi raw nila tinitigilan sa ngayon ang nasabing grupo dahil maliban sa pagkakasangkot sa “gun for hire” ay sangkot na rin daw ito sa extortion activities.
Inihayag ni Escobal na ilang mga contractors sa Bicol Region ang nagrereklamo dahil hinihingan na sila ng grupo.
Batay naman sa pag iimbestiga ng Special Investigation Task Group (SITG)-Batocabe na pinamumunuan ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director C/Supt. Amador Corpus, ang Concepcion group ang unang kinausap na papatay sa mambabatas.
Tumanggap umano sila ng downpayment na P150,000 na galing kay Mayor Carlwyn Baldo ngunit sa hindi malamang dahilan ay hindi itinuloy ang trabaho.