CENTRAL MINDANAO- Kasado na ang direktang operasyon sa mga barangay sa lalawigan ng Cotabato laban sa patuloy na kalakalan at pag gamit ng iligal na droga.
Ito ay kasunod ng isinagawang orientation seminar hinggil sa Barangay Drug Clearing Program (BDCP) na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City.
Suportado ni Cotabato Governor Nancy Catamco ang naturang programa dahil hangad nito na tuluyang makalaya mula sa impluwensya ng iligal na droga ang lalawigan at mabigyan ng sapat na kaalaman at kapangyarihan ang mg opisyal ng mga barangay sa pagsugpo ng problema sa droga.
Ikinagalak din ni Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villar ang pagsisimula ng BDCP kasabay ng paalala sa lahat na maging bahagi ng kampanyang ito dahil hindi aniya kaya ng PDEA o pulisya lamang upang mapagtagumpayan ang labang ito.
Kasunod nito ay inatasan na ng opisyal ang lahat ng kanyang mga chief of police na simulan na ang assesment at mas paigtingin pa ang operasyon lalo’t pa at naniniwala sya na organisado ang mga drug criminals kaya’t nararapat lamang na organisado din ang puwersa ng pamahalaan katuwang ang taumbayan.