-- Advertisements --

Inanunsyo ng United Arab Emirates na sinimula na nila ang operasyon ng unang nuclear power plant sa Arab peninsula.

Sa isang press release, sinabi ng Emirates Nuclear Energy Corporation (ENEC) na nag-umpisa na raw ang nuclear fission sa isa sa apat na reactors sa Barakah plant, na gumagamit ng teknolohiya mula South Korea.

Kasabay nito, nagbunyi rin ang mga pinuno sa nasabing bansa kung saan tinagurian nila ito bilang simbolo ng kanilang scientific progress.

Maging si Crown Prince Mohammed bin Zayed al-Nahyan ay ikinatuwa rin ang nasabing hakbang, na tinawag nitong “milestone in the roadmap for sustainable development”.

Sa pahayag naman ng International Atomic Energy Agency (IAEA), naabot na raw ng Unit 1 ng planta ang kanilang “first criticality” o ang generation ng controlled fission chain reaction.

“This is an important milestone towards commercial operations and generating clean energy. IAEA has been supporting [United Arab Emirates] from the beginning of its nuclear power program,” saad ng IAEA sa isang tweet.

Noon pa raw sanang 2017 inaasahang magbubukas ang planta, ngunit naantala ito dahil sa iba’t ibang mga safety issues.

Ayon sa UAE government, nais nila na manggaling sa Barakah ang bahagi ng kanilang pangangailangang enerhiya, lalo pa’t gumagamit ito ng mas sustainable na energy sources.

Nitong nakalipas na dalawang linggo nang magpadala ang UAE ng probe sa isang misyon sa Mars.

Maliban sa nuclear energy, interesado rin ang UAE sa solar power.

Pero ilang mga energy experts na rin ang kumuwestiyon sa Barakah kung saan iginiit nila na mas malinis, mas mura, at mas akma ang solar power sa rehiyon na maraming nangyayaring isyung pulitikal at terrorism.

Noong nakaraang taon nang bansagan ng Qatar ang Barakah plant bilang “flagrant threat” sa kapayapaan at kalikasan sa rehiyon. (BBC/ Al Jazeera)