Hiniling ng Philippine Estate Authority Tollways Corporation sa Court of Appeals na mag-isyu na ito ng Writ of Mandamus para mabawi na sa Cavite Infrastructure Corporation o CIC ang paghawak ng operasyon sa Manila-Cavite Toll Expressway Project o Cavitex.
Sa petisyon ng naturang ahensiya, gusto na nitong maibalik sa gobyerno ang pamamahala at operasyon sa Cavitex.
Ayon sa Public Estate Authority Tollways Corporation, taong 1998 pa ng magsimula ang franchise period ng Cavite Infrastructure Corporation o CIC at nagtapos na noong 2023.
Dahil dito, ilang beses na raw nagpadala ng notice ang gobyerno sa operator ng Cavitex para bawiin ang operasyon ng naturang expressway ngunit patuloy umanong nagmamatigas ang CIC.
Dagdag pa nito, nabawi na rin ng operator ang investment nito sa expressway kabilang na ang pagpapagawa ng apat na phase ng kalsada.
Nakasaad din sa petisyon na wala ng karapatan ang kompanya sa Cavitex at binigyang-diin nito na P2.4 billion na ang nawawala sa gobyerno mula noong nakaraang taon.