-- Advertisements --

Hindi umano makakasagabal sa operasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang biglang pagkakaalis sa puwesto ni Sec. Perfecto Yasay, Jr.

Ito ang tiniyak ni DFA spokesperson at Assistant Secretary Charles Jose.

Aniya, sisigurihin umano nila na magiging”smooth” ang trabaho sa DFA lalo na ang transition period.

Inamin din nito na magkakaroon ng “urgent meeting” ang mga DFA top officials dahil sa pangyayari sa pagkawala ng kanilang kalihim.

Kasabay nito, naniniwala rin naman si Asec. Jose na walang epekto sa preparasyon ng Pilipinas bilang host sa malaking event ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa huling bahagi ng taong kasalukuyan.

Nangyari ang rejection sa appointment ni Yasay habang nasa kalagitnaan din ngayon ang ministerial meetings ng ASEAN sa Iloilo.

Una nang sinabi ni Jose na iginagalang nila ang naging desisyon ng Commission on Appointments (CA) sa pag-reject kay Sec. Yasay.

Sa ngayon inaantay ng DFA ang magiging anunsiyo ng Malacanang kung sino muna ang magiging acting secretary.

Kung maalala ilang ulit nang sinabi ng Pangulong Duterte na isang taon lamang sa puwesto si Yasay dahil papalit sa kanya si Sen. Alan Peter Cayetano sa pagtatapos ng one-year ban sa mga kumandidato sa halalan.

Si Cayetano ang nagsilbing vice presidential candidate ni Duterte noong eleksiyon.