CAUAYAN CITY- Nagpapahirap ngayon sa operasyon ng drug treatment and rehabilitation center sa Ilagan City ang mga panuntunan sa COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chief Health Program Officer Floro Orata ng drug treatment and rehabilitation center sa Ilagan City na tuloy pa rin ang kanilang operasyon pero dahil sa pandemya ay hindi na gaya ng dati na araw-araw ay puwede silang tumanggap ng kanilang kliyente.
Lahat aniya ngayon ay naka-schedule na tulad na lamang ng kanilang drug dependent examination na limitado sa araw-araw habang sa kanilang admission ay ginawa na nilang kada 14 na araw na dati ay kada 21 araw.
Ito ay dahil kailangan ding sumailalim sa quarantine ang mga marerehab bago ihalo sa loob ng rehabilitasyon.
Aminado siya na nagpapahirap sa lahat ng kanilang transaksyon ang mga protocols na ipinapatupad laban sa COVID-19.
Bukod dito ay nadadagdagan din ang kanilang gastos at kailangan din nilang magdagdag ng tauhan.
Dahil dito, hindi rin sila tumatanggap ng mga maysakit para hindi na makadagdag sa kailangan nilang tutukan.
Sa kabila naman aniya ng pandemya ay marami pa rin ang sumasailalim sa rehabilitation at karamihan ay galing sa BJMP.