BOMBO LAOAG – Nasa matatag na sitwasyon na ang Iceland maliban sa bayan ng Grindavik kung saan naapektuhan ang karamihan sa pag-alboroto ng bulkan.
Ito ang naging pahayag ni Bombo International News Correspondent Mildred Manuel Vidarson sa Iceland.
Ayon kay Vidarson, bago pa man pumutok ang bulkan noong Nobyembre kung saan nagsimula na ang paglindol, ay agaran naman inilikas ang mga residente sa Grindavik dahil may mga gumuhong kalsada at kabahayan.
Maliban sa mga kalsada at bahay, mayroon ding mga nasirang iba’t ibang mga establisyimento, na humantong pagsuspinde muna ng operasyon ng ilang mga tourist spots, at mga negosyo, kabilang na ang pasok sa mga paaralan at trabaho sa bayan ng Grindavik.
Aniya, nasa kabuuang 300 pamilya ang inilikas sa mga evacuation center kung saan kinumpirma niya na mayroon ding sapat na mga evacuation center sa nasabing bansa.
Wala aniyang naitalang nasugatan o nasawi dahil agad ding inilikas ang mga residente bago pa ang pagsabog ng bulkan.
Idinagdag niya na maging ang kanilang mga alagang hayop ay ligtas, maliban sa isang manggagawa na nahulog sa isang hukay, kung saan hindi siya mahanap ng mga rescuer.
Sa kasalukuyan ay wala nang nararamdamang aftershocks pero nanatiling aktibo ang nasabing bulkan ngunit hindi na gaya ng dati.
Aniya, sa sandaling magsimula ang lindol ay siniguro ng Icelandic government ang kanilang tulong sa mga residente lalo kung patungkol sa trabaho at programang pabahay.
Kaugnay nito, ipinabatid niya na sila ay well-informed at maganda ang information dessimination sa kanilang lugar.
Samantala, kinumpirma ni Vidarson na walang Pilipinong naapektuhan ng aktibidad ng bulkan.