Nag-abiso ang Light Rail Manila Corporation sa mga mananakay ng Light Rail-1 na pansamantalang sususpendihin ang mga operasyon nito sa loob ng 3 weekends.
Ito ay para bigyang daan ang paghahanda para sa pagbubukas ng Phase 1 ng extension nito sa Cavite sa huling kwarter ng taon.
Ayon sa pamunuan ng LRT1, kabilang sa pansamantang magtitigil operasyon ay ang biyahe mula sa Fernando Poe Jr. station patungong Baclaran station mula Agosto 17 hanggang 18 gayundin sa Agosto 24 hanggang 25 at sa Agosto 31 hanggang Setyembre 1.
Kaugnay nito, pinapayuhan naman ng LRMC ang mga pasahero na planuhin ang kanilang biyahe at humanap muna ng alternatibong masasakyan.
Samantala, inaasahan naman na mababawasan na ang oras ng biyahe at magbebenipisyo sa hanggang 600,000 pasahero kada araw sa oras na maging operational na ang Phase 1 ng LRT1 Cavite Extension Project saklaw ang unang karagdagang istasyon sa loob ng lungsod ng Parañaque, gaya ng Redemptorist, Manila International Airport, PITX Asia World, Ninoy Aquino, at Dr. Santos station.