-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Binabantayan ngayon Highway Patrol Group o HPG Isabela ang ilang ulat ng umano’y operasyon ng mga Colorum na Van papasok at palabas ng lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Rey Sales, Provincial Officer ng HPG Isabela sinabi niya na mayroon na silang madato na mula sa HPG National Headquarters sa Camp Crame may kaugnayan sa mga van na nagbibiyahe patungo ng Metro Manila papasok ng Region 2.

Aniya nag-ugat ang naturang mga sumbong na kanilang natatanggap sa mga advertisement sa social media ng mga van na nagbibiyahe patungong metro manila at pauwi ng rehiyon dos.

Maliban sa mga passenger vans ay binabantayan na rin ng HPG Isabela ang mga cargo trucks na nagpupuslit ng mga Unauthorized Person Outside Residence (non-APOR) papasok ng Region 2.

Inihayag rin ni Major Sales na maliban sa van ay nasasangkot na rin sa colorum operations ang ilang SUV na madalas na ang dahilan ay ang kasalukuyang pandemya.

Aniya, kadalasan na ang mga colorum na sasakyan ay hindi pa bayad o naka-utang sa bangko kaya karamihan ay lumipat sa colorum operation para lamang makapaghulog ng kanilang monthly amortization.

Muli namang ipinaalala ni Major Sales na sakaling masangkot sa aksidente ang mga colorum na sasakyan ay walang makukuhang anumang tulong ang mga pasahero.

Aminado naman ang HPG Isabela na nahihirapan sila sa kasalukuyang pagluwag sa mga checkpoint dahil hindi lahat ng mga bayan ay pare-pareho ang ipinapatupad na panuntunan.

Samanatala, kada linggo na nag lulunsad ng one time bigtime operation ang Highway Patrol Group Isabela.

Ayon kay Major Sales, kadalasan sa kanilang mga nahuhuli ay ang mga nagmamaneho ng motorsiklo na walang helmet at mga 4-wheels na hindi nakarehistro.

Ilan naman sa mga paglabag na tinitignan nila sa mga pasenger van ay ang observance of social distancing sa loob ng sasakyan.

Dapat ring nakasuot ng facemask at face shield ang lahat ng mga pasahero.

Sakali mang maktuhan ang pasahero na walang suot na face mask at face shield ay maaari nilang bigyan ng ticket ang trupser at sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11332.