Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaroon ng maayos na operasyon sa mga paliparan sa kabuuan ng Christmas rush o pagdagsa ng mga biyahero para makauwi sa mga probinsya bago ang araw ng Pasko.
Ayon sa BI, mula nang magsimula ang pagdagsaan ng mga pasahero ilang araw bago ang Pasko ay hanggang kahapon, Disyembre 24, ay nanatiling maayos ang operasyon ng mga paliparan, pangunahin na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na pangunahing gateway ng bansa.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, sa kabuuan ng Christmas rush ay ginawa nilang regular at realtime ang pag-post ng passenger volume upang maabisuhan ang mga biyahero sa aktwal na dagsa ng mga tao sa paliparan.
Sa pamamagitan kasi nito ay umaasa ang BI na mabibigyan ng akmang impormasyon ang mga biyahero upang planuhin ang kanilang pagtungo sa mga paliparan, agahan ang paghahanda, kasama na ang kung ano ang dapat nilang asahan sa paliparan.
Una nang inabisuhan ng BI ang mga pasahero na kung maaari ay magtungo sa airport tatlong oras bago ang mga nakatakdang flight at tumuloy agad sa immigration clearance.
Ito ay upang ma-minimize ang congestion sa mga paliparan.
Samantala, inaaasahan muling tataas ang bilang ng mga pasaherong dadagsa sa mga paliparan para humabol sa selebrasyon ng Bagong Taon.