-- Advertisements --

Nasa tama umanong direksiyon o “on track” ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para ubusin na ang New People’s Army (NPA) sa kalagitnaan ng susunod na taon.

Ito ang binigyang diin ni AFP Spokesman Col. Edgard Arevalo kaugnay sa paggunita ng Martial Law na idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Una nang ibinunyag ng PNP ang plano ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na samantalahin ang mga kilos protesta para isulong ang kanilang balak na patalsikin sa puwesto ang Pangulong Duterte.

Ayon sa AFP, ang pag-iingay ng CPP-NPA ay “rhetoric” nalang upang ipakita na malakas parin sila at makapanghikayat ng ibang grupo na sumama sa kanilang layunin na ibagsak ang pamahalaan.

Pero ang totoo aniya ay sangkatutak na sa kanilang mga kasamahan ang sumuko sa pamahalaan at marami sa kanilang mga lider sumuko at nasawi na.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang militar na matatamo nila ang kanilang target na tapusin na ang NPA sa susunod na taon, dahil sa matinding military operation.