BAGUIO CITY – Temporaryong itinigil muna ng Philex Mining Corporation – Padcal Mine Site sa Tuba, Benguet ang kanilang operasyon ng dalawang araw nitong nakaraang weekend.
Ayon kay Dr. Mariele Ventenilla, chief ng Santo Niño Hospital of Philex Mines, ginawa ang work stoppage habang nagpapatuloy ang pagsasagawa nila ng expanded testing sa lahat ng mga empleyado ng kompanya at pag-disinfect sa kanilang mga work areas matapos maitala ang maraming pagpositibo sa COVID-19 doon.
Nagsimula aniya ang cluster ng mga kaso ng COVID-19 sa kompanya noong October 7 sa pamamagitan ng isang bisita nila na sumailalim sa RT-PCR test at lumabas a resulta na positibo ito sa coronavirus.
Sinundan ito ng isang symptomatic employee na nagpa-medical consultation at mga underground workers na may limang close contacts.
Dinala na rin sa isolation facility ng kompanya ang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 nito.
Sa ngayon, pending pa rin ang resulta ng mga unang isinagawang expanded testing habang naitala na ang higit 50 na bagong kaso ng COVID-19 doon.
Epektibo din hanggang ngayon ang localized lockdown sa Philex Mines sa Padcal, Camp 3 at mahigpit na ipinapatupad ang ECQ protocols.