-- Advertisements --

Nangako ang pamunuan ng Philippine Airlines (PAL) na tuloy pa rin ang kanilang operasyon sa kabila nang pagsailalim nito sa restructuring plan para tiyakin na mananatili itong nakatayo habang nagpapatuloy ang global health crisis na dulot ng coronavirus pandemic.

Ayon sa PAL, hindi maaapektuhan ng restructuring plan ang kanilang flights at operasyon. Patuloy din nitong dinadagdagan ang mga international at domestic flights kasabay nang unti-unting pagluwag ng travel restrictions.

Sa ngayon ay hindi pa nagbibigay ng karagdagang impormasyon ang PAL sa gagawin nitong restructuring pero batay sa mga ulat ay kasama rito ang paghahain ng Chapter 11 creditor protection sa Estados Unidos.

Nais umano ng PAL na kumuha ng credit support habang inaayos ang kanilang mga assets at financial obligations.

Dagdag pa ng airline na patuloy ang pagtutulungan ng PAL management at stakeholders para magkaroon ng komprehensibong restructuring plan na magiging dahilan upang maging matatag muli ang financial flow nito.

“As the work is ongoing, we will make the necessary disclosures at the proper time, once details are finalized,” saad pa sa pahayag.

Mas magiging malawak ang sakop ng restructuring plan ng PAL kumpara sa rehabilitation program nito noong 1997 Asian Financial Crisis.

Tulad din ng ibang airlines, malaki rin ang nalugi sa PAL dahil sa COVID-19 pandemic dahil sa pagbaba ng bilang ng mga pasahero na lumalalabas o pumapasok ng bansa.

Noong Pebrero 2021 ay inanunsyo nito ang pagpapatupad ng company-wide workforce reduction program para magtanggal ng nasa 2,300 empleyado o 30% ng worforce nito.