Lumipat na sa mga residential house ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator firms sa gitna yan ng isinasagawang crackdown ng gobyerno sa mga online gambling facility sa bansa matapos na ipag-utos ni PBBM.
Ito ang kinumpirma ng National Bureau of Investigation kasabay ng pagkakaaresto sa 24 Filipino at limang foreigners na umanoy sangkot sa ibat-ibang uri ng scamming activities .
Ayon kay NBI-Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc, ang mga naarestong suspect ay bahagi umano ng splinter group ng POGO hub.
Aniya, dahil sa pagsugpo sa mga iligal na POGO hub at ang pagbabawal na iniutos ng Pangulo, inilipat ng mga offshore gambling firm ang kanilang operasyon sa mga residential house sa mga subdivision.
Dahil dito, aminado ang opisyal na mas mahirap ngayong matukoy at mahanap ito ng mga otoridad.
Ayon naman kay NBI Director Jaime Santiago ang mga naarestong dayuhan ay binubuo ng tatlong Chinese at dalawang Malaysian – at ang mga Pilipino.
Sila ay nahuli sa akto ng mga ahente ng NBI ng isinagawa ang naturang operasyon sa isang inuupahang bahay sa isang subdivision sa bayan ng Kawit.
Narekober mula sa mga naarestong indibidwal ang mga pre-registered SIM card, GCash accounts, computer, device na naglalaman ng script, cellphone, at text blast machines.