Tuloy pa rin ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs sa Parañaque City sa kabila pa ng pag-ban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Julio Templonuevo, presidente ng Multinational Village Homeowners Association, nabawasan ang POGO operations sa kanilang village kasunod ng deklarasyon ng pangulo subalit hindi pa 100 porsyento dahil nananatili pa rin ang ilan sa mga POGO.
Salaysay pa nito na may mga Chinese na nangupahan noon ng residential units sa Multinational Village para gamitin bilang POGO structures.
Umabot ang kanilang binabayarang upa dati sa kalahating milyon kada buwan subalit ito ay bumaba sa P200,000 hanggang P300,000 kada buwan.
Matatandaan, una ng ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pagbabawal sa lahat ng POGOs sa bansa matapos ang ilang serye ng raid na nagresulta sa pagkakabunyag ng mga materyales na ginamit para sa torture, love scams at iba pang mga krimen.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), nasa 40,000 mga empleyadong Pilipino ang naapektuhan ng naturang ban.
Batay naman sa Bureau of Immigration (BI) bibigyan ang mga dayuhang POGO workers ng 60 araw para umalis ng Pilipinas at mapadeport sa kani-kanilang mga pinanggalingang bansa.