BUTUAN CITY – Temporaryong pinahinto ng Butuan City Permits and Licensing Division ng lokal na pamahalaan nitong lungsod ang operasyon ng DXAM 103.1 Sunny FM na nasa Purok 5, Block 14, Lot 3. Monti Vista Villas sakop ng Brgy. Villa Kananga nitong lungsod ng Butuan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, nilinaw ni May Diez – tagapagsalita ng LGU Butuan, isinara ito base na sa ipinalabas na cease and desist order ni Atty. Moshie Ariel Cahoy – legal officer ng City Permits and Licensing Division.
Ayon kay Diez, nag-operate ang Sunny FM nilang radio station sa kabila na wala silang required mayor’s o business permit na makokonsidera umanong paglabag sa Sangguniang Panlungsod (SP) Ordinance 594-92 na inamyendahan sa pamamagitan ng SP Ordinance 2269-2000.
Ito’y lalo na’t ang kanilang hawak na business permit para sa kanilang operasyon ay nagrespresenta bilang advertisement ay telecommunications equipment and accessories provider.
Kaugnay nito’y inatasan ang naturang radio station na ibalik lang ang kanilang operasyon sakaling makakakuha na sila ng tamang business permit at iba pang mga rekisitos na kailangan nilang ma-comply.
Nilinaw din ni Diez na walang problema sa panig ng lokal na pamahalaan dahil papayagan silang muling makaka-operate sakaling makompleto na ang kanilang mga requirements.