Inanunsyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang muling pagpapatuloy ng operasyon ng Small Town Lottery (STL) sa buong bansa simula sa buwan ng Oktubre.
Sa inilabas na kalatas ng PCSO, mula Oktubre 1 ay papayagan nang mag-resume ang STL operations ng Small Town Lottery Authorized Agent Corporations (STL AACs) na nag-operate bago ang suspensyon ng operasyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Pero ayon sa ahensya, bago sila bigyan ng go signal ay dapat muna silang sumunod sa ilang mga nakalatag na kondisyon.
Maaalalang sinuspende ang operasyon ng STL dahil sa pandemic at unti-unting binuksan sa piling lugar.
Noong Setyembre 16, binuksan ito sa Ilocos Norte at Nueva Vizcaya na sinundan ng Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Surigao Del Sur, at Davao Del Sur.