-- Advertisements --

CEBU – Sinuspinde ang dalawang barko na nagsalpukan at magkakaroon ng sanction depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Ito’y matapos na hindi bababa sa 8 mga pasahero at dalawang tripulante ang nasugatan matapos na mabangga ang sinakyan nilang fastcraft sa isang cargo vessel sa Mactan Channel noong araw ng Linggo, Mayo 21, 2023.

Nangyari ang insidente dakong alas 2:45 ng hapon, habang dumaan ang fastcraft sa 1st bridge ng Mactan Cebu.

Nang dahil sa malakas na impact ay tumilapon ang mga kagamitan at ang mismong mga pasahero.

Nabatid na mayroong 190 mga pasahero, lima rito ay mga bata at 13 mga tripulante ang sakay ng Supercat MV St. Jhudiel.

Habang, wala namang naitalang sugatan na mga tripulante sa LCT Poseidon 23.

Nilinaw ni Coast Guard Ensign Renan Lagare, Jr. ang deputy commander ng Philippine Coast Guard Cebu, na nakaresponde sila sa loob ng isang oras matapos ang nasabing insidente.

Una rito, dismayado diumano ang mga pasahero na inabot pa ng isang oras bago dumating ang mga rescuer.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard Cebu sa insidente, habang kanilang hinihintay ang marine protest ng kapitan na nagpapagaling pa sa ospital.