Ipinag-utos ngayon ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa lahat ng PNP units sa buong bansa na ngayon pa lamang palakasin na ang kanilang security operations bilang paghahanda sa midterm elections sa susunod na taon.
Ito ay kasunod sa insidenteng pagpatay sa ilang local officials partikular ang kaso ni Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan.
“In view of the recent killings of local chief executives, I am directing the command group and the regional directors to review and launch early security measures ahead of the 2019 mid-term elections in May next year,” pahayag ni Albayalde.
Bahagi sa ipapatupad na security measures ay palakasin ang police visibility, random checkpoints at ang focused-law enforcement operations.
Layon daw nito para maiwasan na magkaroon pa ng mga election-related violence incident.
Inihayag din nito na kanilang ikinokonsidera ang suhestiyon na palakasin ang kanilang operasyon laban sa mga gun-for-hire syndicates.
Gayundin paiigtingin din ng PNP ang kanilang kampanya laban sa mga private armed groups at loose firearms.
Nasa 78 mga private armed groups ang tukoy na ngayon ng PNP at kanila itong mino-monitor.
Siniguro naman ni Albayalde sa publiko na ginagawa ng PNP ang lahat ng kanilang makakaya para maaresto ang mga kriminal at panagutin ang kanilang kasalanan.
Una rito, pinatay noong Lunes si Mayor Antonio Halili ng Tanuan City, sinundan ni Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija at nitong nakalipas lamang na Sabado ay si Vice Mayor Lubigan.
Liban kay Lubigan nadamay din sa pananambang ang driver-bodyguard ng opisyal na nasawi sa insidente.
Noong July 2 naman nakaligtas sa ambush si ARMM Assemblyman Sidik Amiril sa Maguindanao pero minalas ang kanyang driver na mapatay.