-- Advertisements --

Magpapatuloy ang military operation laban sa mga komunistang NPA ngayong hindi magdedeklara ng holiday truce ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi ititigil ng militar ang kanilang operasyon laban sa komunistang rebelde na patuloy sa paghasik ng karahasan.

Halimbawa rito ang ginawang pananambang sa mga pulis at sibilyan sa Borongan, Eastern Samar.

Ayon sa kalihim wala namang ibinigay na direktiba ang Pangulo sa AFP hinggil sa muling pagbubukas ng peacetalks sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.

Ikinatuwa rin ng kalihim at AFP ang pahayag ng Pangulo na durugin na ang mga terorista at criminal groups na nag-o-operate sa bansa.

Sa kabilang dako, nakasubaybay din si National Security Adviser Sec Hermogenes Esperon hinggil sa resumption of peace talks sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Joma Sison.

Una nang inatasan ng Pangulo si Sec. Silvestre Bello na magtungo sa The Netherlands at makipag-usap kay Sison.

Sa ngayon kasi gumagana na ang localized peace talks at marami na umanong mga rebelde ang nagbalik loob sa gobyerno.

Ibinunyag din ni Esperon na may hitlist ang NPA at kabilang sa listahan ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan.