Target ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na palawigin pa ang operating hours sa Metro Rail Transit Line 3 at Light Rail Transit systems.
Kaugnay nito, plano ng kalihim na mag-commute mismo sa nasabing mga tren gaya ng kaniyang ginawa sa EDSA Bus Carousel at makikipag-usap din aniya siya sa iba’t ibang mga pamunuan ng tren at maintenance teams hinggil dito para makita kung ano nga ba ang problema.
Nauna na kasing sinabi ng nakalipas na administrasyon ng DOTr na hindi maaaring palawigin ang operating hours ng mga tren dahil maaaring makompormiso nito ang oras para sa maintenance ng rail systems na maaaring magresulta sa mga isyu sa kaligtasan ng mga pasahero.
Subalit ayon kay Sec. Dizon, kaniyang ikokonsidera ang lahat ng opsiyon para gawing mas madali ang pagbiyahe ng mg pasahero.
Titignan aniya kung kayang gawing hanggang midnight o hanggang alas-2 ng madaling araw ang operating hours.
Sa kasalukuyan, ang huling biyahe sa LRT 1 at 2 maging sa MRT-3 ay bandang alas-9 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi subalit kadalasang ini-extend ito bago mag-hating gabi kapag holiday season.