Umarangkada na ngayong araw ang ‘Operation Baklas’ ng Commission on Elections (COMELEC) upang tanggalin ang mga campaign materials na lumalabag sa guidelines ng komisyon katulad na lamang ng mga maling sukat na poster, nakapaskil sa hindi mga common poster areas at paggamit ng mga materyales na non-biodegradable na ginamit sa mga poster.
Nagsimula muna ang operasyon sa pagtitipon-tipon sa harap ng COMELEC Office Intramuros, Manila ang mga sasama sa pagbabaklas. Katuwang ng poll body rito ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Pambansang Kapulisan, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Services (DPS) ng Manila at ilang mga tauhan ng komisyon para sa pagtatanggal ng mga ilegal na campaign materials.
Pinaalalahanan sila na ang mga maaari pa lamang tanggalin sa ngayon ay ang mga campaign materials sa pagka-senador at partylist dahil hindi pa nagsisimula ang pangangampanya para sa lokal na lebel. Hindi rin kasama sa mga babaklasin ang mga nasa private properties.
Sa may kahabaan ng Honorio Lopez Tondo, Manila nagsimulang magbaklas ng mga ilegal na campaign materials ang poll body. Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na ito ay kanilang mga tinanggal dahil hindi ito nakasunod sa dapat na mga common poster areas lamang na pinagdidikitan at dapat biodegradable ang ginamit na materyales. Ngunit, paglilinaw niya na tama naman ang mga sukat nito.
Kaugnay pa nito, sinabi rin ni COMELEC Chairman Garcia na ang mga mababaklas na mga campaign materials ay pansamantala munang itatabi ng poll body at hindi ito susunugin. Ia-account at ido-document nila itong lahat. Dagdag pa niya na bago humantong sa pagkadiskwalipika ay magpapadala muna sila ng mga notice o show-cause order sa mga kandidato at kung ito ay hindi pa rin pinansin at patuloy ang ilegal na pagpapaskil, kakasuhan na sila ng election offense at hahantong na sa diskwalipikasyon.
Samantala, binigyang-diin niya rin na sa pagsisimula ng campaign period para sa national na lebel ngayong araw, laging respetuhin ang kapaligiran at sumunod sa mga palutuntunin ng poll body.
Itong Operation Baklas ay isasagawa nationwide dahil inatasan na rin ng COMELEC Main Office ang mga local COMELEC na isagawa na ito sa kani-kanilang mga area.