Napanatili ang normal na operasyon ng mga transmission line at transmission facilities ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Northern Luzon.
Ito ay sa kabila ng muling pagbabanta ng bagyong ‘Nika’ sa mga lugar na dati nang dinaanan ng bagyong ‘Marce’, ilang araw lamang ang nakakalipas.
Ayon sa NGCP, batay sa monitoring nito ngayong araw, normal pa rin ang operasyon ng lahat ng mga pasilidad at transmission lines nito.
Una na ring naibalik sa normal na operasyon ang Lal-lo-Sta. Ana 69kV line na napinsala sa pananalasa ng bagyong ‘Marce’ at naka-apekto sa power supply ng libo-libong mga konsyumer.
Pagtitiyak ng NGCP, naka-standby na ang mga team nito para umalalay sa mga electric cooperative sa mga lugar na inaasahang mapipinsala sa pag-landfall ng naturang bagyo.