Iniutos umano ng bagong talagang Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro sa lahat ng mga military commanders na palakasin pa ang operational tempo upang lipulin na ang natitirang mga armadong kumunista sa bansa.
Ginawa ni Bacarro ang direktiba sa kanyang unang command conference bilang military chief na ginanap sa AFP headquarters sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Kinumpirma ni AFP acting spokesperson Col. Medel Aguilar ba wala namang timeline kung kailan ang deadlin sa direktiba ni Baccaro.
Pero umaasa ang AFP spokesperson na malilipol na ang mga NPA sa three-year term ni Bacarro basta mapanatili lamang daw ang sistema ng operasyon.
Sinasabing nasa mahigit na lamang 2,000 umano ang mga aktibong miyembro ng mga NPA sa bansa.
Nilinaw din naman ng tagapagsalita ng AFP kung anong ang ibig sabihin ng operational tempo ni Bacarro.
Hindi naman daw ibig sabihin nito ang deployment ng additional forces sa mga rebel-infested areas kundi ang pagpapaibayo o pag-maximize sa lahat ng mga kinakailangang mga forces.
Una rito sa naging panayam ng Bombo Radyo unang ginamit niya ang salitang “operational tempo.”
Makikita umano ng mga kababayan na pag-iibayuhin ng militar ang operasyon at umaasang sa lalong madaling panahon ay mawakasan na ang ilang dekada na ring problema sa insurensiya sa bansa.