-- Advertisements --

Patuloy ngayon na hinahanap ng Nueva Ecija-PNP ang operator ng Leomarick minibus na nahulog sa bangin sa Barangay Capintalan, Carranglan, Nueva Ecija kahapon na ikinamatay ng 32 katao.

Ayon kay Nueva Ecija Police Provincial Dir. Senior Supt. Antonio Yarra, nakikipag-ugnayan na rin sila sa  Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para matunton ang may ari.

Nagbanta si Yarra na kahit matagalan bago magpakita ang operator ng bus ay sasampahan pa rin nila ito ng kaso.

Matapos kasi ang aksidente ay hindi pa nagpapakita sa mga otoridad ang may-ari ng bus at hindi rin makakuha ang mga pulis ng impormasyon sa driver ng bus na si Rolando Mangaoang at konduktor na si Cesar Perang dahil parehong namatay ang dalawa matapos ang aksidente.

Sa imbestigasyon ng PNP, lumalabas na naka-rehistro sa isang Juan Leonardo Patulot ang Leomarick Transport minibus pero napag-alaman na ang bus operator nito ay si Ricky Patulot na may opisina sa Agoo, La Union.

Sinabi ni Yarran na ang Leomarick Transport ay inter-regional ang ruta na pwedeng bumiyahe mula Region 1, 2 at 3.

Hiniling na rin ng PNP na sumuko na ang operator at makipag-ugnayan sa mga otoridad para sa isasagawang imbestigasyon.

Samantala, base umano sa testimonya ng ilan sa mga survivors, lumalabas na maliban sa nawalan ng preno ang bus ay sumabog din ang isa nitong gulong kayat nawalan ng kontrol ang driver hanggang sa tuluyan na itong nahulog sa bangin na may lalim na 100 talampakan.