Tiniyak ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na mananagot din ang mga operators ng mga pampasaherong bus hindi lamang ang mga drivers kapag nasangkot sa aksidente sa kalsada ang kanilang mga unit.
Ayon kay LTFRB Spokesperson Atty. Ariel Inton, ito ay base na rin aniya sa mas pinaigting na operasyon ng ahensiya.
Sinabi ni Inton ang hakbang na ito ng ahensiya ay bilang pagtalima sa zero tolerance policy laban sa reckless driving.
Dagdag pa ni Inton hindi lang ngayong panahon ng semana santa ang mas mahigpit nilang pagbabantay at pagkumpronta sa mga reckless driver kundi magiging pangmatagalan na.
Binigyang-diin ni Inton na nasa ilalim ng pangangasiwa ng operator ang mga driver, sila ang kumuha ng serbisyo ng mga ito kaya marapat lamang aniyang mahigpit din sila sa pagpapatupad ng mga requirement para sa pagmamaneho ng pampublikong transportasyon.
Paalala ng LTFRB sa mga driver maging maingat sa pagmamaneho, dapat may hustong tulog, hindi nakainom o naka droga.
Para naman aniya sa mga operator, dapat siguruhing nasa maayos na kalagayan ang kanilang mga unit, dumaan sa regular na inspeksyon at walang anumang pinsala o aberya para iwas aksidente sa kalsada.